















Hango sa Connections ng New York Times.
Konektado ang lahat ng bagay. Minsan madali lang malaman, kadalasan kailangan mo pang ayusin ang buhol-buhol na lubid ng ugnayan para lang mahanap ang wakas. Minsan ang dulo ay siya rin palang simula. Pero kadalasan kailangan mo pang bumalik sa nakaraan para lang malaman paano namunga. Minsan madali lang sundan, pero kadalasan kailangan mo pang dumaan sa butas ng karayom, dahil imbis na ordinaryong lubid ang ginamit, isang napakahabang hibla ng sinulid na kulang na lang ay maduling o ‘di naman kaya’y mabulag nang tuluyan.
Minsan mas madaling hayaan na lamang nating nakatali, nakabalandra, at buhol-buhol ang mga ugnayan natin sa lahat ng bagay at aspeto ng buhay. Pero paano ang mga ibang pinipilipit at naiipit sa mga lubid na hindi naman nila ginustong nakagapos sa kanilang pagkatao? Sino nga ba ang may kapangyarihang humabi ng mga lubid ng ating kapalaran? Ang mismong sarili o ang makapangyarihan?
Ang Konektado ay isang sining na pagsasapiling o curated exhibit na sumasaliksik sa masalimuot na pagkakaugnay ng politika at buhay, na inihahayag sa pamamagitan ng labing-anim na piling likhang-sining. Sa paghahabi ng ugnayan, ang mambubuo ay hinahamon nito na kalasin ang madalas na hindi nakikitang mga hibla ng impluwensyang politikal—mga hiblang humuhubog sa pagkakakilanlan, kapangyarihan, at kaayusang panlipunan.
Bagaman may mga ugnayang madaling makita, higit na marami ang nangangailangan ng malalim na pagninilay at tapang upang matuklasan ang katotohanan.
Sa pamamagitan ng sining, nasisilayan natin ang patuloy na tensyon sa pagitan ng kapangyarihan at kawalang-kapangyarihan, at ang mga puwersang panlipunang humuhubog kung kaninong tadhana ang hinahabi at para kanino isinusulong.
Mula sa labing-anim na likhang sining, bumuo ng apat na pangkat na may tig-a-apat nito. Ang bawat pangkat ay may sadyang tema na kinakatawan ng apat na sining lamang.
Ang antas ng hirap ng bawat tema ay matutunghayan sa pagbuo ng palaisipan.
🟨🟩🟦🟪
Madali -> Mahirap